Monthly Archives: April 2012

manhid

tumatangis,
ngunit walang luha.
sumisigaw,
ngunit walang tinig.
nasasaktan,
ngunit walang kirot.
manhid.

Advertisements

salamat

hindi, hayaan mo ako…
ngayon lang,
sa huling pagkakataon.

para sa kung ano
at sa kung anong wala.

para sa ganoon
at sa hindi ganoon.

para doon
at sa hanggang doon na lang.

salamat.


gabing mabituin

aking narinig.  aking nabasa.
ito ay dumating.  para sa akin.
tulad ng maraming ulit na.
nababatid nito, alam ko.. hindi ko lang alam kung paano!
sa panahong ako’y nasa
lugmok,
pighati,
kawalan,
ang liwanag ay naririto’t kasama ko…
kumakalinga sa akin…
at hindi ko nga makayanang pigilang pumatak ang aking mga luha.


tala

Ako’y nakalugmok kaya’t ako’y tumingala.
At nakita ko nga iyon, makislap at kay liwanag.
Binasa ko ang mga salita.
Pinakinggan ko ang halakhak, may kirot, aking batid.
Nadama ko ang init, ‘di ito kailan man nabigo sa pagpapangiti sa akin.
Ay, ito nga’y napakalayo para maabot.
Sinubukan kong bumuo ng halik mula sa mga binaybay na salita.
Sinubukan kong magsiwalat ng mga lihim gamit ang mga linya.
Ngunit isang pangarap lamang ang makakaabot dito.
Hindi ko maintindihan kung bakit ako nangangambang maaari akong mamatay
sakaling mawala ito sa akin.
Paanong mawawala sa akin ang isang bagay
na hindi ko naman matawag na akin sa simula pa lang?
Isa pa’y ngayon pa lang maaari na akong mamatay
gayong napakasakit na dahil hindi ito naging, at hindi maaaring maging akin kailan man… kailan man.

Niyakap ko ang liwanag, at ipinikit ko ang aking mga mata
upang makita ito sa aking diwa.
Inipon ko ang mga bulong, at ipininid ang aking mga tainga
upang marinig ko ito sa aking puso.
Nilanghap ko ang bango, at pinigil ko ang aking hininga
upang pakaalalahanin ito sa aking buhay.
Kung anuman ang mayroon ako, ito ang nagbigay ng bagong kahulugan sa pag-ibig.
Kung mayroon nga akong anuman, hindi ko na ito pakakawalan magpakailan pa man.


kung nandito ka lamang sa aking piling

kung maaabot lang kita,
hindi na kita pakakawalan.
hindi na kalian man.
kung.
pero nandiyan ka
diyan na mananatili.
nandito naman ako
dito pa rin gaya ng dati.
at ang “tayo” ay sadyang ‘di mangyayari.
kung kaya ko lang
titigil na ako sa kakaisip
sa’yo.
hindi na talaga.
pero hindi ko kaya
kaya hindi ko gagawin.
kung kapiling lang sana kita ngayong gabi…
kung.


ang pasukan

Nakatayo siya sa may pinto.
Nakaharap sa liwanag sa labas.
Nakatalikod sa dilim.
May hindi magawang pagpasiyahan
Kaya’t nanahan na lamang sa pintuan.
Ang sinag sa kanyang paligid
Ang gumuguhit sa kanyang hugis.
Ang liwanag sa harapan.
At ang dilim sa likuran.
Ang nagbigay hubog,
Ang lumikha sa kanya.


sa loob

Iniwan niyang nakabukas ang pinto.
Marahil dahil inisip niyang mas magiging madali
ang pagtakbo palabas sakaling kailanganin.
O baka iniwan niya dahil hindi naman niya ito naisip.
Siguro.
Nasa loob na siya.
Kinakabahan, oo, pero nagingibabaw ang mahapding pananabik.
Gaya ng inaasahan niya, agad na nasanay ang mga mata niya sa dilim.
At tinanggap siya ng kadiliman, kaya’t naroon siyang di namamalayan.
Mga ilang hakbang pa naaninag na niya
ang marahang paghinga ng dibdib ng lalaki.
Naririnig niya ito…ang hininga nito.
Naaamoy niya ito… ang balat nito.
Nalalasahan niya ito… ang pawis nito.
Nararamdaman niya ito… ang init nito.
At napuno nga siya ng pagkanaririto nito.
Mistulang hinahatak siyang papalapit dito.
Ang kanyang pandama at isip ay nagsanib.
Dahan-dahan siyang lumapit na may tiyak at sukat na hakbang.
Nakatayo ngayon sa gilid ng kama,
ang kanyang mga mata ay nagdiwang sa hugis ng mukha nito.
Kay ganda ngang nilalang!
puno ng lahat ng kanyang pangangailangan…
ng lahat ng kanyang pinagnanasaan… at oo, ng lahat ng kanyang minamahal.
Subalit,  puno rin ng lahat ng kanyang kinasusuklaman.
Naghintay siya.. at ayaw niyang ginagawa ito.
Pero narito siya ngayon, at kay tagal niya itong hinintay, masyado nang matagal…

Humihinga siya ngunit hindi gumagalaw, nakatitig dito, naghihintay bagaman hindi na makapaghintay.

Ang lalaki nga ay gumalaw, bumaling, at naalimpungatan na may tao sa silid, nagmulat ng mga mata.

Nang nakatiyak siyang nakilala na siya nito, iniangat niya ang kanyang kamay
at itinarak ang punyal kung saan niya ito hinahangad na magtungo.
Pinadaloy niya rito ang lahat ng kanyang pagmamahal at pagkamuhi,
isinaksak ng buong lakas at ng buong puso.

Nasa loob na siya.

Mahigpit ang kapit niya sa punyal at hindi siya natinag, kahit pa nakatingin ang lalaki sa kanya..
titig na may pinaghalong pagtatanong, pagmamakaawa, at pag-unawa.

Sa loob… sa kaloob-looban nga.

Oo, sa loob.