huwag mong habulin ang paru-paro

Sa masukal na gubat ng pag-aalinlangan, batid mo ang patutunguhan… subalit kailangan mong maging matibay.

Mula sa kung saan, ito ay lumitaw. Maliit at puti, may mga munting pakpak na kay liksi. Isang malikot na nilalang na lumipad palibot-libot, waring naglalayong ito ay iyong mapansin, magustuhan… at naising maangkin.

Huwag… huwag mong habulin ang paru-paro. Huwag kang pabighani sa taglay nitong rikit. Pagkat sa sandaling ito ay sinundan mo, sa kapangyarihan nito ikaw ay mapapasailalim… at ang mga hakbang mo ay hindi na iyo.

Ang pagtitig mo rito ang magdidikta sa mga paa mo. Lakakad kang pahilis sa landas ng iyong tunguhin… bawat hakbang, papalayo sa tama. Maliligaw ka sa lunan na mas masalimuot pa sa karimlan. Makakarating ka sa kalagitanaan ng kawalan, igagapos ng nakalilitong kaligayahan. At ngayong bihag ka na ng kahibangan, saka ka nito iiwan.

Huwag… huwag mong habulin ang paru-paro. Paglaon, hindi na sapat na ito’y napagmamasdan, nais mo na itong hawakan. Sa pangambang ito ay lumayo, hihintayin mo munang ito sa kamay mo ay dumapo. Ngunit gaano katagal ka mang umasa, sa iyo ‘di ito aamo… dahilang ikaw ay lalong mananabik na ito ay mahuli.

Iyong nalalamang kapag hinawakan mo ito, pakaingatan man ay walang silbi dahil ang mga pakpak nito’y manipis at agad mapupunit. Maiisip na sa garapon na lamang ilagay—di mo man mahawakan, kahit man lang masilayan… basta’t sa iyo’y di mawalay. Hindi rin ito uubra, pagkat sa loob ng salamin na sisidlan, di rin magtatagal ang buhay.

Kaya’t huwag mo nang habulin ang paru-paro. Anong pait mang ang inaasam ay hindi kailan man mapapasaiyo, kailangang tanggapin na ang pagapi ay di likas dito. Kasabay ng pagpapalaya mo sa turan, mapapakawalan mo sa hinagpis ang iyong puso. At kung saan may tunay na kakalinga ika’y paroon, humayo.

hala takbo! di alintana ang hapo, sa damdamin nagpatalo. heto’t nadapa! masakit mapilayan, totoo, pero dapat mo ngayong matanto na hindi nga ikaw ang bulaklak na ninanais ng paru-paro. umuwi ka na. ipahinga ang napilay na paa. at sa init ng hilot manalig na kahit pa gaano katagal at kahirap maglakad ng paika-ika, makalalakad ka rin ng matino… pagkat naglaho na ang sakit, nalimot na ang paru-paro.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: