Monthly Archives: November 2012

hindi na.

di niya kailanman pinanghinayangan ang mga sandali na sa akin ay inilaan. kanyang hangad na ako ay pagsilbihan, handa siyang ang lahat ay talikuran. batid kaya niya ang aking dahilan? gaano man kasakit, akin siyang iniwan. iginiit na ang tama ay panindigan, inisip na ito ay para sa kanyang kapakanan. alaala ng dalawampung buwan ay sapat ang dulot na kaligayahan kaya’t ang siya’y makalimutan hindi ko magagawa kailanman… gayun pa man, di na niya ito malalaman

Advertisements

dapithapon

sa paglubog ng araw

sa takdang panahon,

nais kong malaman mo…

magpakailan man

ako sa iyo’y mananatili,

kahit ano pa man ang mangyari


kahon V

nagsindi pa ng isa…

hindi man lang nahiya.

hangin ay nilason na,

mga baga ng iba

iyong idinamay pa.

sige hithit, hala!

basta p’wera buga.


kahon IV

tapos na.

di na siya masasaktan,

di na mahihirapan.

wala na.

di na niya maririnig,

di na mararamdaman.

huli na.

magsisi ka man,

di na niya malalaman.


kahon III

itong apat na kanto,

dapat eskwalado.

ang paglapat, eksakto.

bawat gilid diretso.

ang sukat pare-pareho,

siguradong kwadrado.

huwag makipagtalo.

hindi ka mananalo

kung ikaw ay baliko.

de kahon, ang ‘ika nga.

di mapapariwara

sa pamantayang tama.


kahon II

mayroong nasumpungan

sa kaloob-looban

di pala malimutan

alaala sa kahon

sa limot ibinaon

magmumulto pag laon

apat na mga letra

ang pabango sa twalya

mga singsing sa tasa

liham na mahahaba

tula at mga kanta

wala na ngang natira

nauwi na sa abo

tandang-tanda pero

nakatatak sa puso

pag-ibig na totoo

huli na natanto

iniwan akong bigo


kahon

sa loob ng kwadradong sisidlan

sa iyo’y may bagay na laan

hilahin ang laso, kahon ay buksan

dahan-dahan, ingatan

silipin, alamin ang laman

ngunit higit pa riyan

mahalaga ang dahilan

para ikaw ay alayan

pinag-isipan, pinaghandaan

na sana’y iyong magustuhan

itong  kanyang nakayanan

na ‘pag iyong nakamtan

ay magdulot ng kasiyahan