Monthly Archives: December 2012

regalo ng aking ama

tama siya, gagabi-gabihin kita.

bakasyon ay susulitin, hindi papayag mabitin.

ang lahat susubukan, kabuuan mo ay pag-aaralan.

sa iyo, ang mga litrato pagmamasdan, ang mga emosyon tutulaan.

ang mga himig pakikinggan, ang mga kanta sasabayan.

sa dampi ng aking daliri maraming mangyayari.

mabubuksan ang bintana, pakakawalan ang hiwaga.

kay tagal kong hinintay na ika’y makamtan,

kaya ngayong narito ka’y pakaiingatan.

gaya ng mga nauna dulot ay ligaya,

pagkat regalo’y nagmula sa ama kong dakila.

Advertisements

huwag kang papayag

huwag kang papayag

na suwagin ka ng kambing

upang makaalpas sa iyong tulay

at manginain sa luntiang damo

sa kabilang ibayo.

ang patawirin at paglaanan

ng sariwang parang

ay ang karapat-dapat na tupa.

sakaling malinlang ka ng kambing

na nagpapanggap na tupa,

at mahulog ka,

narito ako sa silong

handang gamutin

ang mga galos at pilay

na natamo sa iyong pagbagsak.


ikaw ang aking pahinga

ikaw ang aking pahinga.

sa hapo ay ginhawa.

sa iilang salita

kahit pa bihira,

ako’y napapangiti,

iyong napapasaya.

ikaw ang aking pahinga.

sa gulo ay napapakalma.

sa’yong mga kataga

haplos ay dama.

puso ko’y humihinahon,

sa balisa napapalaya.

ikaw ang aking pahinga.

sa hapis ay ligaya.

minsan man makita

hatid nama’y tuwa.

hikbi ko’y napapatahan,

lungkot nabubura.

ikaw ang aking pahinga.

sa takot ay takbuhan.

‘pag sulat mo’y nabasa

kasama na rin kita.

takot ko’y mawawala,

lakas ng loob gagana.


mapagkakatiwalaan ba?

tiwala’y marupok,

sa ‘sang kiskis,

poot nagliyab

at ang paniwala’y natupok.

nangako ka,

kay daniella,

kinalimutan mo ba?

sino ngayon ang sinungaling,

siya ba o ikaw?

isa kang gahamang pating

na agad nakakasagap

ng hapdi ng sariwang sugat

ng mabibiktima.

isang alakdan

na nangangain

ng bawat makasiping.

isang buwitreng

palibot-libot na nakaabang

na gutay-gutayin

ang naghihingalong puso.


pagtatagpo

kay lamig na hangin

bumubulong sa akin,

ang inaabangang tuwa

ito na ang simula.

pagtagpo ma’y di madalas,

pagtatapat ng landas

ipinagpapasalamat.

dampi ng hangin sa pisngi

sa labi ko’y nagpapangiti.

hangin nagpapaigting

sa sabik na siya’y makapiling.


tatlong salita

dahil sa tatlong salita

natulog nang maligaya.

naging sapat ang pahinga,

ang pagbangon ay masaya.

padating na ang umaga,

daratnan ka nitong handa.

nakangiti ang diwa,

katawan ay masigla.


huwag sana

huwag mo sana akong hawiin.

yakap ko ay ‘wag salagin.

nais kitang lambingin,

hindi naman aangkinin. …