Monthly Archives: January 2013

pawiin

“tamis ng kahapon, ngayon”
by Maestro JUN TIONGCO
34″ X 24″
Oil on Canvas

 

pawiin itong uhaw
ng tubig na malinaw
pangungulila matutunaw
kapag labi ko ay dinalaw.

pawiin itong hapis
ng nahinog na tamis
asim at pait maaalis
tunay ngang lungkot mapapalis.

pawiin itong gutom
ng yaman ng panahon
kahapon sa mangkok nilikom
kalam mabubusog, mahihilom.

pawiin itong lumbay
ng husay nitong kamay
sa hiblang hinabi ng buhay
tiyak mabibigyan ng saysay.

Advertisements

kahon VIII

Kagabi sinilip mo ang kahon,

Ang pinagsidlan ng kahapon.

Sa silong ng kama dinukot.

Damdaming naisantabi, hinugot.

 

Nang ang pares ay makita,

Naalala noong unang makilala.

Tamang-tama ang entrada,

Yapos ang iyong mga paa.

 

Patakbo man o marahan,

Sa bawat hakbang maaasahan,

Sa paglakbay laging kasama.

Mapudpod man, sulit ang ligaya.

 

Mabato man ang daan,

Bumuhos pa ang ulan,

Lakad mo’y babantayan.

Kapag hinubad, maghihintay lang.

 

Isukat mo minsan pa.

Ipaakap sa kanya ang ‘yong paa.

Dama mong waring nagmamakaawa

Muli kayong mamasyal sa Luneta.

 

Ngunit malamang ay ikakahiya.

Pagkat ang balat, kulubot na.

At ang takong, pudpod pa.

Ang sapatos ay luma na.

 

Ito ngang bago mo

Nasa uso at bagay sa iyo.

Pero ang pakawalan ang luma

bakit di ka pa handa?

 

Kaya’t takip ay ibabalik

Itatabi ang kaibigang matalik

Sa madilim at maalikabok

Ang kahon ay muling isusuksok.


kahon VII

imahinasyon ang nakakulong

sa apat na munting gulong.

masusing pinili ang hugis at uri.

magtagal man, pinag-isipang mabuti.

bawat isa ay may pangalan,

may pormang pagkakakilanlan.

kung kanyang paaandarin

iba’t ibang mundo lilibutin.

matayog na bundok aakyatin,

malubak mang landas tatahakin.

sa bawat pagliko maingat.

mabilis man ligtas dapat.


tagpi III

pagod ka ba sa kakayuko?

ngawit na ang likod mo.

hirap ng iyong kalooban

sa iyong balikat nakadagan.

ang tagping may gamot

siyang inaasahang sagot.

ipantapal sa kirot

dahil pagsuyo’y ipinagdamot.

at pag sa iyo dumikit,

damhin nga ang init.

agad niyang hihigupin

ang lamig ng pagkabitin.

ramdam ang ginhawa

sa higpit ng kapit niya.

malugod kang aalagaan

kahit pa panandalian.

at sakaling bumalik

hanap na haplos at halik,

sa kilig mapapangiti

at tatanggalin ang tagpi.

siya muna ay isasantabi

mas gusto mo ang pisil ng daliri.

pag sa hilot naman nito nabitin,

saka tagpi muling tatawagin.

ang tagpi napagod, nangawit,

sumuko. di na kayang dumikit.

tanong mo’y anong nangyari…

ang sabi… paalam, ito na ang huli.


tagpi II

Ang tapal ay alisin na.

Di na ito kailangan pa

Kung pagdugo ay umampat

At tuyo na ang sugat.

Huwag matakot pakawalan

Ito ba ang gamot? Hindi naman,

Kundi pansamantalang tagpi

Para pag ang sugat nasagi,

Ang sakit ay di matindi.

Kaya tanggalin na ang tagpi.

Tiisin ang natitirang hapdi.

Kailangang mong pagdaanan

Nang sa pagkadapa may matutunan.

Balat di man maibalik sa dati,

Sa lungkot ‘wag pahirati.

Pagkat sa maiiwang pilat

Ikatututong maging maingat.


tagpi

sa sugat na kay hapdi,

di mapipigil ang hikbi.

punit pilit isulsi

saka tabunan ng tagpi.

ngunit di masasabi

kung magtatagal ang tahi.

pag nalaman ang silbi

di ito mananatili.

maglalaho ang ngiti,

di na makikitang muli.

lalala nga ang gisi…

walang hanggang pagsisisi.

natastas na ang tagpi,

ayaw nang maging bahagi

nitong pusong napunit

mahalin ma’y di sulit.

 


ugnayan

ang ugnayan ba’y

may likas na tibay

kakayanin ba ang hamon

ng hatak ng panahon?

baka gasinulid at di tatagal,

ninipis, rurupok at mapipigtal.

tatampalin ka ng lastiko sa mukha.

mas mahaba ang hila,

mas matindi rin ang tama.

pagtibayin kung paano

ay nasa pipiliin mo.

habang manipis

huwag hilahin bagkus maglapit.

kakapal ng kusa kung magkakapit

sa mga pagdadaanan tamis man o pait.

huwag mangyaring bumitaw,

di makaiilag sa hataw.

itong goma babalikwas,

latay ng panghihinayang ang bakas.

oras wag sayangin

kung maliit na bagay di niya gagawin.

kung sa pagpapagal mag-isa ka,

pagsasama’y walang pag-asa.

paghila at pagparaya

ilagay sa tamang timpla.

mag-iisip ang dalawa

at kikilos bilang isa.