Monthly Archives: July 2013

puwang VI

silang mga nagsihilik

nung may di man lang makaidlip,

ang may ganang pang ngumiti

at tumanggap ng papuri.

 

nakaasa pagkat tamad,

pakinabang ang hangad.

pinagpala kung umasta,

sa nagsikap hindi nahiya.

 

ang hindi nagpasalamat

makaulit ay ‘di dapat,

pagkat di man lang alam

kung kanino nagkautang.

 

at kapag pinarangalan

sila daw na may ngalan

sa gitna ng palakpak

pigil ang kanyang halakhak

 

kaya’t magpagal pipiliin pa

kaysa maging tulad nila,

naluma at nangalawang,

mga latang walang laman!

Advertisements

puwang V

may butas na bunga

ng basag na pagsinta.

ang lamat lumala,

nagbitak at nauka.

 

umulan ng luha,

sa butas nagbaha.

nang tubig matuyo,

nasayang ang pagsuyo.

 

lumaki ang puwang.

di para manghinayang,

inakalang ang paraan

ito’y tambakan, takpan.

 

hindi ba niya alam,

kirot di mababalam

kahit pa ipagpilitan

ang butas ay tabunan?

 

patag na nung walo

pero ngayong ika-sampu

sa naitagong butas,

hapis nga ba ay nalutas?

 

di akma ang ipinampuno,

tiyak ang daan lulundo.

sa kalsadang baku-bako,

walang mahusay magmaneho.

 

ang gahamang layunin

mag-aani ng suliranin.

makuha man ang gusto,

hungkang pa rin ang puso.


puwang IV

bulag ba kung walang nakikita?

tuwid man ang tingin,

di maabot kahit habulin.

 

bingi ba kung walang naririnig?

pinaalpas ang tinig,

nawalang- bisa ang bibig.

 

gising ba kung tulala?

bulag na’y bingi pa,

pandama’t ulirat wala.


puwang III

kung buhay na sisidlan

hindi pa nalamlamnan,

sadya nga bang may kulang?

‘pag binhi ng pagsuyo

niloob na tumubo,

titibok munting puso.

yapusin ang biyaya,

dala’y bagong simula,

magluwal ng ligaya.


puwang II

itong maliit na butas namimili

ng sa kanya’y magpupunong tangi.

tamang-tama ang sukat,

may hugis na nararapat.

di uubra kung di tutugma;

iisa lamang ang magkakasya.

at kung ikaw na nga,

pag pumihit ng bahagya

magbubukas ang tarangka.

ang nakakulong ay lalaya.