Monthly Archives: May 2014

pawatas

ang magpatuloy sa tamang daan, 
mapagod man. 
ang magpigil na lumihis, 
matisod man. 
ang manindigan sa tungkulin, 
magipit man. 

ang piliting maging matuwid 
sa harap ng kahinaan. 
ang piliin ang tama 
sa bingit ng pagkakamali. 
ang umiling 
sa halina ng tukso. 

ang matutong pagbigyan 
ang di dapat patulan. 
ang matutong tanggapin 
ang di kayang baguhin. 
ang matutong talikuran 
ang di na maibabalik. 

ang magpasyang humakbang, 
ang itapak ang bawat paa 
matapos ang kabila. 

ang magpatuloy. 
ang makarating. 
ang magtagumpay. 

Photo:

“Nag-ugat, Nagsasanga, Magpapatuloy”

by Iris Mae L. Caidic

30” X 30”

Oil Pastel on Board

Advertisements