Monthly Archives: September 2017

piso sa numero

piso

Papiso-piso.
Niyakag mo ako.
Pag hindi tumama
Muli pang titira.

Paisa-isa.
Binuyo mo ako.
Maraming beses na
Susubok, aasa.

Pabarya-barya.
Inakit mo ako.
Tangang nagpadala
Sa maling akala.

Paunti-unti
Binitin mo ako.
Hindi makapagpigil.
Lalong nanggigigil.

Paulit-ulit.
Nilulong mo ako.
Hanggang sa magumon
Hindi na makaahon.

Padahan-dahan.
Inubos mo ako.
Nahibang. Nahumaling.
Nabiktima. Naloko.

Advertisements

bingo-han

bingo

Binobola.
Manalo ka kaya?

Sa limang letra
Magiging akin ka.

Bigla kang napalingon.
Ibinaling ang atensyon.
Napatitig ka nga.
Ginayuma ka ng ngiti.
Oras ay tumigil.

Isang kindat.
Labingwalong hakbang.
Apatnapu’t limang sulyap.
Limampu’t anim na salita.
Animnapu’t siyam na tira.

Sa pitumpu’t limang numero
Akin ka!

Binola lang kita.
Talo ka na.


baril-barilan

baril

Handa ka na ba sa giyera
Sa plastik na nakahilera?
Kalabitin mo ang gatilyo.
Alamin ang iyong premyo.

Kung may tamaan kang isa,
May mga kendi ka na.
At kapag naka-dalawa,
Mayro’n kang chichirya.

Paano ‘kamo kung tatlo?
May keychain kang bago.
Kay galak kung maka-apat
Dahil pitaka ang katapat.

Kung tatamaan ay lima,
Ang iyong gantimpala
Malambot at maganda
Malaking osong manika.

Tiyak na masisiyahan
Iniirog na pag-aalayan.
Ang pasalamat na makakamit
Kanyang yapos na mahigpit.

Ngunit nanginig ang kamay
At ang mga tira sumablay.
Diskarte’y sing-asintado
Ng panliligaw mong bano!

May kayakap na sana
Kung mga bala ay tumama.
Pangarap ay gumuho.
Uuwi ka nang bigo.