Category Archives: 5 mosaic

puwang VII

‘di ba’t inutil ang paglilok

sa kahoy na may bukbok?

sayang ang panahong tutok

kung kalooban ay bulok.

 

kuminis mang bahagya

nang mapudpod ang liha,

ang gaspang ng mukha

saludsod ang dala.

 

tapalan man ng masilya,

tinakpang lamat halata.

dahil nga hiya ay wala,

bunyag ang likas na sira.

 

ga’no man katalas ang paet,

inutil nga ang pag-ukit.

itong kahoy na ‘di sulit,

walang taglay na rikit.

 

walang iskultor na mahusay 

sa kahoy na ‘di matibay. 

anumang paghubog sa turo, 

bungong hungkag guguho. 

Advertisements

tagpi V

pagkawala’y iniyakan,

ilang araw ngang umulan.

araw ‘di na nasilayan

mula nang iyong iwan.

 

luhang ‘di mapigilan,

bumuhos na ulan.

kinalawang ang isipan,

binutas ang bubunguan.

 

tumagas ang hapis,

ang sakit ‘di natiis.

pagkat lunas ang nais,

tinapalang mabilis.

 

tapal ay manipis

kaya’t dagling naalis.

balat-kayo ang tamis,

pinagsisihang labis.


lasa

matamis ba ang pangalan
kung mapait nang tikman?
kung maalat ang nakaraan,
dapat pa bang balikan?
sa anghang ng usapan,
maiging ugnaya’y wakasan.


hangal

mag-ingat. ‘wag magtiwala
sa hunyangong talangka.
ang makati nitong dila
may hapding masahol pa
sa galamay ng dikya.
kung magbitaw ng salita
umaalingasaw ang basura.
‘pag nabitag at napapaniwala,
mas hangal ka pa sa kanya!


puwang VI

silang mga nagsihilik

nung may di man lang makaidlip,

ang may ganang pang ngumiti

at tumanggap ng papuri.

 

nakaasa pagkat tamad,

pakinabang ang hangad.

pinagpala kung umasta,

sa nagsikap hindi nahiya.

 

ang hindi nagpasalamat

makaulit ay ‘di dapat,

pagkat di man lang alam

kung kanino nagkautang.

 

at kapag pinarangalan

sila daw na may ngalan

sa gitna ng palakpak

pigil ang kanyang halakhak

 

kaya’t magpagal pipiliin pa

kaysa maging tulad nila,

naluma at nangalawang,

mga latang walang laman!


puwang V

may butas na bunga

ng basag na pagsinta.

ang lamat lumala,

nagbitak at nauka.

 

umulan ng luha,

sa butas nagbaha.

nang tubig matuyo,

nasayang ang pagsuyo.

 

lumaki ang puwang.

di para manghinayang,

inakalang ang paraan

ito’y tambakan, takpan.

 

hindi ba niya alam,

kirot di mababalam

kahit pa ipagpilitan

ang butas ay tabunan?

 

patag na nung walo

pero ngayong ika-sampu

sa naitagong butas,

hapis nga ba ay nalutas?

 

di akma ang ipinampuno,

tiyak ang daan lulundo.

sa kalsadang baku-bako,

walang mahusay magmaneho.

 

ang gahamang layunin

mag-aani ng suliranin.

makuha man ang gusto,

hungkang pa rin ang puso.


puwang IV

bulag ba kung walang nakikita?

tuwid man ang tingin,

di maabot kahit habulin.

 

bingi ba kung walang naririnig?

pinaalpas ang tinig,

nawalang- bisa ang bibig.

 

gising ba kung tulala?

bulag na’y bingi pa,

pandama’t ulirat wala.