Category Archives: harikiri

daplis


Bulong mo’y hanging
Umihip na simbilis
Ng balang pinawalan ng gatilyo
Nang walang anumang babala.
Kagyat, nang maulinigan,
Damdamin ko’y tinamaan.

Sa mga umagang
Puso ko’y aligaga
Iihip ka’t darampi.
Tila halik sa ‘king pisngi,
Sa laot ng kaligaligan,
Dibdib ko’y napapanatag.

Ngiti mo’y kislap ng bulalakaw
Na gumuhit ng liwanag
Na kisap-matang namutawi’t
‘Di nagpadaig sa dilim.
Karakaraka, nang mamataan,
Kaluluwa ko’y nabuhayan.

Sa mga gabing
Isip ko’y hapong-hapo,
Sisiklab ka’t magniningas.
Tila alab sa ‘king noo,
Sa gitna ng panghihina
Pag-asa ko’y naapuhap.

Ang iyong pagkanaririto
Biglaan kung dumating,
Pandalian kung masumpungan,
Bihira kung makadaupang-palad.
Panaka-naka man ang pagdaplis,
Dulot mo’y ligayang labis-labis.


liham

Aking minamahal,

Tila ba nangingibabaw ang aking pagkabalisa kaysa sa aking pananabik ngayong nalalapit na tayong muling magkita!

Dala ng pag-aalala kong marami nang nagbago, sa iyo, at maging sa akin. Paano na lamang kung sa pagtatagpo natin ay iba ang inaasahan mong masilayan? Paano kung sa pagkakita mo sa akin ay hindi mo na maramdaman ang gaya ng dating magkahalong kaba at saya? Oo, naalala ko sa pagbati pa lamang, bakas agad sa iyong mata ang pag-aalinlangan na pinananaigan ng pangungulila. Minsan pa ang iyong likas na bangis ay tumalima at magpasailalim sa iyong pagnanais na ako’y angkinin.
Ngunit, aking ba itong maasahan kung gayong kay tagal na nating nagkalayo?

O, hindi na ako makapaghintay na muli mo akong balutin ng iyong yapos! Subalit nangangamba akong may naiba na sa iyong halik… Marahil dahil hindi ko na kilala ang iyong mga labi, ako’y maninibago. Paano kung ikaw ay makahalata? Dahilan para matigilan at maging asiwa.

Ilang araw pa, at lalong umiigting ang aking pagkabahala… Baka sa mismong araw nga, ang aking mga paa ay igapos ng ligalig at ang pagsipot sa usapan ay hindi ko kayaning magawa pa. Huwag naman sana.

Tanging sa iyo lamang,

Rica


liglig

DiY seismograph

Ano nga bang sala
ang siyang namamagitan
sa atin?
May nakabiting pader
na may matarik na bangin!
At ang patuloy na
pag-inog ng init at lamig
sa kaibuturan ng ating mga dibdib,
ang siyang dahilan
nitong walang-humpay na ligalig.

Palayo…
Pasalubong…
Palihis…
Mayroon bang kahahantungan?
Kung habang naglalapit
tila ba lalong naghihiwalay.
Paano kitang maabot?
Gayong hinahatak kitang palusong,
ipinagtutulakan mo akong palubog.

Paano matatantiya
ang mga tigatig,
sa tindi ba ng bagabag
o sa sidhi ng pinsala?
Tangkain mang basahin,
matutulis na bakas ng tinta
‘di rin kayang arukin.
Makasasagip ba ang
mahulog, magkubli, at manalig?
Kung daratnang hindi handa,
Madaraig pa rin ng gitla.

Sa pagkayugyog ng ulirat
guguho ang kinatitindigan.
At kasamang dadausdos
ang mga nangaligis na alaala.
Saka hahagupitin
ng along dambuhala.
Tatangayin,
patungo sa laot.
Lulunurin,
hanggang makalimot.


pagsambulat

Sa iyong mga balikat,
Ipapasan bantang kay bigat.
Buhay ang siyang nakataya,
huwag ipagwalang-bahala.

May taning ang iyong panahon,
Makayanan kayang huminahon?
Hahabulin mo ang oras na palalo
Upang wakas ay makatagpo.

Magtanggol ang aking layunin,
Magligtas ang aking tunguhin.
Giting ang matibay na saligan,
‘Di iniinda takot ma’y nakadagan.

Isipan ay maagap at handa
Pagkat bawat segundo mahalaga.
Hindi palulupig sa balisa,
Ni padadaig man sa gitla.

Alin sa mga ugat kong nakatago
Ang huhukom ng iyong pagkabigo?
Kapag mali ang iyong napatid,
kapahamakan ang aking hatid.

Makuha mo kayang ako’y supilin
Nang paghasik ng lagim ay pigilin?
Titiyaking sa aking pagsambulat,
Malilipol ko ang lahat.

Ako’y may pandamang matalas
At may diwang pantas.
Ang pagkilos ko’y alisto
At pagpasya ay wasto.

Kailan ma’y ‘di papayagang
Mangibabaw ang karahasan.
Layong mapagtagumpayang
Ang pagsambulat mo’y mapigilan.


butás

IMG_2083

 

Tatag ng pagkadapa,
Itinakda sa lupa.
Isinantabi ang kaba,
Panatag ang paghinga.
Sa layong dal’wamput-lima
Sa piso nakaasinta.

Sa pilak na bilog,
Mundo ay uminog.
Pikit ang isang mata.
Ang kabila nama’y bihasa,
Matalas ang pandama
Na nakatutok sa bista.

Diin nitong hintuturo
Umabot nang kay layo.
Ang balang pinalaya
Umarangkada nang kusa.
Sa tuwid na lakbayin
Hiniwa ang hangin.

Ngunit palya ang tutok
Sa iyong unang putok.
Maging sa pangalawa,
Lumihis itong bala.
Tagumpay sa pangatlo
Nabutas ang piso.

Munting medalya ipunin,
Isa-isang ngang tuhugin.
Nagsisilbing patunay
Ng sikap sa pagsasanay
Ng ‘yong husay at gilas.
Ang pisong butás.

 


sa rurok ng ulayaw

Kung saan ginto ay pawa,
Pakikipagsapalara’y wala.
Sapagkat pula ang babala,
Ang buwan ay asul na.

Kailan muling kakagat?
Landas hindi magtapat.
Sa paglawak ng agwat,
Mga salita ba’y sasapat?

Ngunit ‘wag manimdim,
Maghintay nang taimtim.
Pagkat tipan ay malalim,
Pakaingatan ang lihim.

At sa muling pagsayaw,
Ligalig ay matutunaw.
Mapapawi rin ang uhaw
Sa rurok ng ulayaw.

Photo credits:

https://m.facebook.com/cornycopiabyiris/


kung paanong ‘di magtagpo

Nariyan ka.
Narito ako.
Sa bihirang pagbulong,
Ang ating mga salita’y
Lumikha ng mga hiblang
Humabi ng lambat ng pangungulila,
Kung saan tayo kusang nagpabitag
Sa pinaghalong ligalig at hibang.

Takip-silim diyan,
Bukang-liwayway rito.
Tayo’y lulan ng mga mundong saliwa ang inog.
Kapag natapos na ang pagbuhos ng buhangin,
Ang orasan ay muling babaligtarin.
Pagkabiting singnipis ng sinulid
Na siyang nagdurugtong sa atin
Ay pinagbuhol-buhol ng pananabik.

Heto ka.
Hayun ako.
Mga paglingong salisi ang indayog,
Pagsalubong sa alon kung kailan pakabig.
Saka-sakaling minsan ay magtugma,
Asam na pagniig masusulit nang tiyak.
Pagkat kung paanong ‘di tayo magtagpo
Ay gayong sa atin ay nagbubuklod.