Category Archives: harikiri

tukso

Mistulang higad na gutom na gutom,

Lahat tinikman, lahat binutas.

Gutom nga kaya’y mapaghihilom

Sa pagkagat sa higanteng mansanas?

Kung ito’y inaasahang magpapalaya

Mula sa palasak na nakagawian,

Anong karunungan ba’ng napala

Ngayong namulat sa kamunduhan?

Si Eba ngayon ang may kasalanan

Samantalang nilayon mong tumikim.

Pagtaguan mo man ang kahihiyan,

Lilipad ka pa ring paruparong itim.

wp_ss_20160805_0009.png

Advertisements

ang hari at ang singsing

Paano ngayon ang aking haring

May pangungulilang umiigting ?

Muli na lang pala natin hihintaying

Ika-dalawampung araw ay dumating.

 

Umasa kang kapag ako’y nakapiling,

Lumbay mo’y iibsan ng aking lambing.

Handog ang makapangyarihang singsing

Na malaon mo na ngang hinihiling.

 


taong itim

Sa loob ng kasuotang itim

May dugong magiting,

May diwang maagap,

May pandamang matalim.

 

Sa tutok ng mga matang itim

Walang makaalpas sa pansin.

Sa talas nitong pandinig

Nasisiyasat pati dilim.

 

Sa bawat hakbang na tiyak,

Pagkat matuwid, maasahan.

Sa bawat pinag-isipang pasya,

Katumbas ay kilos na tumpak.

 

Sa mga kamay na pantas

Ang pagkapit ay matatag.

Magtatanggol nang maingat,

Layunin ang magligtas.

 

Sa puso ng taong itim

Nag-aalab ang tapang.

Paglilingkod na matapat

Nag-uugat nang malalim.


pulis

Kahit kapag ang pansit
Wala gaanong sahog,
Lakas man din ay sulit
Pagkat sa tapang busog.

Sa ilalim ng tulay
Salungat man ang agos,
Katapatan ay tunay
Pagkat dangal ay lubos.

Tulad daw ng patola
Na salat sa laman,
Matibay namang hibla
Kanyang paninindigan.

Magtanggol, maglingkod,
Sagisag nitong kalasag.
Walang takot, walang pagod.
Dibdib, bisig matatag.

Silang mga matulis,
Nais na bigyang pugay.
Buhay, ibinubuwis.
Dugo, iniaalay.

Para sa mga pulis na nagbigay ng dugo noong Hunyo 11 para sa World Blood Donor Day 2016.


ulap

Iyo ako.
Inangkin ng iyong kisig
Ng walang anumang panibugho.
Pagkat di mahigpit ang yapos
Di maiisipang humulagpos

Akin ka.
Sa ‘king tinig nagpaubaya
Ng may buong pagtitiwala
Pagkat ugnayan ay malaya
Di mangingiming magsalita

Ako ay iyo.
Ikaw ay akin.
Pagkat tayo ay iisa,
Ang ulap ay atin.


atin

Nang minsan kong idaing
kung paanong ang kaligayahang
Nadarama ko sa piling mo,
Sa halip na ipagbunyi,
Ay kinakailangang ikubli
Kung nais ko itong manatili,
Mahinahon kang tumugon
Na sa iyo ko dapat ihayag
Pagkat kung ano man
Ang mayroon tayo
Ay atin, at atin lamang.


muli

Sa bawat hakbang ay may kaba.
Nakipaghabulan ang tibok ng puso
Sa pagtakbo nitong diwang balisa.

Nawala na nga ako sa bilang.
Pero heto muli, minsan pa,
Sa kapusukan ay magpapadala.

Hindi nagbago ang ngiti at halata
Naghahalo ang takot at sabik.
Mangangahas makalapit, dumikit.

Manginig man, hahawakan kita.
Hiling ko ikaw sana’y magpaubaya.
Sa ganito lamang tayo mapapalaya.

Sabayan mo ang mga galaw ko.
Umayon ka sa himig ng aking pulso.
Angkinin natin ang kalawakan!

Kapag humigpit ang kapit ko,
Idiin mo pa ang hagod mo.
Ganyan… Sige pa, oh, sige pa.

Mauubos man ang iyong tasa,
Malilipat ang kislap sa’king mga mata.
Ligayang bunga ng ating pagsasama.