Tag Archives: kahon

kahon X

Dito.

Dito nagsimula.

Sa kahong di konkreto,

Nag-usap tayo.

 

Dito.

Dito nag-umpisa.

Sa usapang patago,

Tinuruan mo ako.

 

Dito.

Dito nagmula.

Sa damdaming natanto,

Mga katha nabuo.

 

Dito.

Dito mababasa

Sa kahong pansampu

Ang pasasalamat ko.

Advertisements

kahon IX

Kung ano pa ang ibang laman

Hindi ko na nga nalaman.

Pagkat ang aking kailangan

Ay ang mga inaasam kong laruan.

Ang pinakahihintay ko nga

Ang pangako niyang ipadadala,

Malaking bahay ng manika

May mga muwebles na magara.

 

Dahil napakalayo niya,

Ang humalili ang gumawa.

Nabuo ang bahay, wala namang pinta.

Tanggal ang hagdan, pinto nakasara.

Ganoon din ang buhay ko.

Salamat sa kapalit, ako ay natuto

Mag-gitara at makipagbuno sa numero.

Ngunit siya pa rin ang hanap ko.

 

Kung tutuusin sa apatnapu,

Malamang di umabot ng sampu

Pinagsamang taong kapiling ko siya.

Saglit man sakaling makasama,

Batid ko pa ring ako’y mahal niya.

Higit sa laman ng kahong ipinadala

Ang hangad na sa akin ay ipadama

Ang handog niyang pagpapahalaga.


kahon VIII

Kagabi sinilip mo ang kahon,

Ang pinagsidlan ng kahapon.

Sa silong ng kama dinukot.

Damdaming naisantabi, hinugot.

 

Nang ang pares ay makita,

Naalala noong unang makilala.

Tamang-tama ang entrada,

Yapos ang iyong mga paa.

 

Patakbo man o marahan,

Sa bawat hakbang maaasahan,

Sa paglakbay laging kasama.

Mapudpod man, sulit ang ligaya.

 

Mabato man ang daan,

Bumuhos pa ang ulan,

Lakad mo’y babantayan.

Kapag hinubad, maghihintay lang.

 

Isukat mo minsan pa.

Ipaakap sa kanya ang ‘yong paa.

Dama mong waring nagmamakaawa

Muli kayong mamasyal sa Luneta.

 

Ngunit malamang ay ikakahiya.

Pagkat ang balat, kulubot na.

At ang takong, pudpod pa.

Ang sapatos ay luma na.

 

Ito ngang bago mo

Nasa uso at bagay sa iyo.

Pero ang pakawalan ang luma

bakit di ka pa handa?

 

Kaya’t takip ay ibabalik

Itatabi ang kaibigang matalik

Sa madilim at maalikabok

Ang kahon ay muling isusuksok.


kahon VII

imahinasyon ang nakakulong

sa apat na munting gulong.

masusing pinili ang hugis at uri.

magtagal man, pinag-isipang mabuti.

bawat isa ay may pangalan,

may pormang pagkakakilanlan.

kung kanyang paaandarin

iba’t ibang mundo lilibutin.

matayog na bundok aakyatin,

malubak mang landas tatahakin.

sa bawat pagliko maingat.

mabilis man ligtas dapat.


kahon VI

itulak mo at buksan.

palitong nakasalansan,

manipis at maliit man

sila’y makapangyarihan.

pag sumiklab ang dulo,

magliliyab ang dugo.

gagapang at tatakbo,

daliri mo’y mapapaso.

sa liwanag nitong dala,

bigyang silbi ang kandila.

sa dilim makakakita

nang di matisod, madapa.

sa apoy na mula rito,

ang kalan sindihan mo.

upang tubig ay kumulo,

kanin at ulam ay maluto.

itong kahon ay itago.

sa bata wag ipalaro.

ang kapangyarihan nito

dapat pakaingatan mo.