Tag Archives: kirot

Kung paanong humagupit ang kirot

Ang hapis ay manlalatigo

paris ng matalas na kidlat

na gugulpi sa inaakala mong taglay pang tapang,

pagdaka ika’y sasakalin

nang masaid ang iyong lakas

upang dugo ang mapiga

sa iyong pagluha.

#kirotsapagkaabo

Photo:https://m.facebook.com/cornycopiabyiris/

Advertisements

Kung paanong manlihis ang kirot

Ang pagkatuliro ay hahampas

na sintindi ng marahas na alon,

pupunitin ang iyong ulirat

at aanurin ang mga pilas papalayo

hanggang sa ikalunod mo

ang pagkukumahog na mahagilap

ang mga retaso ng iyong diwang gula-gulanit.

#kirotsapagkaabo

Photo: https://m.facebook.com/cornycopiabyiris/


Kung paanong sumambulat ang kirot

Ang pagdurusa ay gumigiba na parang masong wawasak sa nalalabi mong marupok na pananalig

upang pasabugin ang iyong pagkatao bilang bubog,

at ang iyong kaluluwa ngayo’y mistulang masangsang na ginutay na laman.

#kirotsapagkaabo

Photo:https://m.facebook.com/cornycopiabyiris/


Kung paanong maminsala ang kirot

Ang kabiguan ay raragasang

gaya ng pagguho ng lupa

na tatabon sa iyong nalalabing pananampalataya,

at babalutin ng karimlan

ang pinanghahawakan mong pag-asa

upang itulak ito sa walang-hangganang pagdausdos.

#kirotsapagkaabo

Photo: https://m.facebook.com/cornycopiabyiris/


Kung paanong umalingawngaw ang kirot

Ang hinagpis ay nanunuot

tulad ng walang-sawang paglaslas

sa kaibuturan ng iyong

mga gunita ng ligaya,

upang isa-isang isalin

bilang mga tiling kumakatha

ng isang masalimuot

at nakaririnding ingay.

#kirotsapagkaabo

photo: https://m.facebook.com/cornycopiabyiris/