Tag Archives: pagmamahal

paano

paano kung…

kung kailan…

paano kapag…

kapag nangyari…

paano pa, tapos na.

tapos, paano na?

Advertisements

turok

Mga mata’y ipikit.

Abangan ang pagtusok,

Wag magitla’t kumibot,

Payagan ngang pumasok.

Tanggapin ang pagbaon

Nang sa laman manuot.

Sa marahang pagtulak

Dadaloy sa ugat.

Guguhit, gagapang,

Talab ay kakalat.

Paghugot ng karayom

Sakit ay maglalaho.

Pagdaka sa pagmulat,

Huwag nang magtaka

Kung sakaling bumagal

Pagkurap ng mata,

Diwa’y biglang tulala,

At manhid ang pandama.

Ang laman ng hiringgilya

Ay ang pagsuyo niya.

Bagamat ito’y bihira,

Munting kirot mabisa.

Hilahil napapawi

Kahit pa man sandali.

Photo credits:

https://m.facebook.com/cornycopiabyiris/


kahon X

Dito.

Dito nagsimula.

Sa kahong di konkreto,

Nag-usap tayo.

 

Dito.

Dito nag-umpisa.

Sa usapang patago,

Tinuruan mo ako.

 

Dito.

Dito nagmula.

Sa damdaming natanto,

Mga katha nabuo.

 

Dito.

Dito mababasa

Sa kahong pansampu

Ang pasasalamat ko.


kahon IX

Kung ano pa ang ibang laman

Hindi ko na nga nalaman.

Pagkat ang aking kailangan

Ay ang mga inaasam kong laruan.

Ang pinakahihintay ko nga

Ang pangako niyang ipadadala,

Malaking bahay ng manika

May mga muwebles na magara.

 

Dahil napakalayo niya,

Ang humalili ang gumawa.

Nabuo ang bahay, wala namang pinta.

Tanggal ang hagdan, pinto nakasara.

Ganoon din ang buhay ko.

Salamat sa kapalit, ako ay natuto

Mag-gitara at makipagbuno sa numero.

Ngunit siya pa rin ang hanap ko.

 

Kung tutuusin sa apatnapu,

Malamang di umabot ng sampu

Pinagsamang taong kapiling ko siya.

Saglit man sakaling makasama,

Batid ko pa ring ako’y mahal niya.

Higit sa laman ng kahong ipinadala

Ang hangad na sa akin ay ipadama

Ang handog niyang pagpapahalaga.


ugnayan

ang ugnayan ba’y

may likas na tibay

kakayanin ba ang hamon

ng hatak ng panahon?

baka gasinulid at di tatagal,

ninipis, rurupok at mapipigtal.

tatampalin ka ng lastiko sa mukha.

mas mahaba ang hila,

mas matindi rin ang tama.

pagtibayin kung paano

ay nasa pipiliin mo.

habang manipis

huwag hilahin bagkus maglapit.

kakapal ng kusa kung magkakapit

sa mga pagdadaanan tamis man o pait.

huwag mangyaring bumitaw,

di makaiilag sa hataw.

itong goma babalikwas,

latay ng panghihinayang ang bakas.

oras wag sayangin

kung maliit na bagay di niya gagawin.

kung sa pagpapagal mag-isa ka,

pagsasama’y walang pag-asa.

paghila at pagparaya

ilagay sa tamang timpla.

mag-iisip ang dalawa

at kikilos bilang isa.


pakabusog

higupin ang sabaw

habang mainit pa ang yakap.

namnamin ang tamis

habang malambing ang halik.

lubusin ang ligaya

habang masarap ang pagsasama.

may magbago o mawala man,

walang dapat panghinayangan.

tulad ng pagkain,

sa pagmamahal

walang dapat sayangin


yapos

huwag kang lalapit!

pag ako sa’yo nadikit,

di na kita pakakawalan.

dadalhin kita sa walang-balikan

nang makasama ka magpakailanman.

kay sarap ‘ka mo pakinggan.

ngunit gustuhin ko man,

alam kong ayaw mo ng ganyan…

yaong napipilitan.

kaya salita na lang ang gamit

sa pagyakap ng mahigpit.

pagkat dito nalalaman

maaari mong pagbigyan

na ang nakaraan ay balikan,

at malasap sandali man

ang dating kaligayahan.

ito lang ang papayagan…

bago mo ako muling iwan.

sapat na nga na nadama minsa’y naging akin ka.

at nang muli kang makita

ang inaasahang saya kaytinding kirot ang dala

nang malamang ang puso mo ay inalay na sa iba.

ganyang-ganyan ang sabi niya pag-ibig di mawawala

ngunit sa dami kong sala, marupok na ang tiwala

ang kanyang dibdib ay napagod dahilan ng pagtalikod

at sa iba nga umasa makasumpong ng pahinga.

isang gabi aking nalaman lumuluha siya kung minsan.

lungkot niya nais kong ibsan sa yapos na totohanan.