Tag Archives: pagtatagpo

sa rurok ng ulayaw

Kung saan ginto ay pawa,
Pakikipagsapalara’y wala.
Sapagkat pula ang babala,
Ang buwan ay asul na.

Kailan muling kakagat?
Landas hindi magtapat.
Sa paglawak ng agwat,
Mga salita ba’y sasapat?

Ngunit ‘wag manimdim,
Maghintay nang taimtim.
Pagkat tipan ay malalim,
Pakaingatan ang lihim.

At sa muling pagsayaw,
Ligalig ay matutunaw.
Mapapawi rin ang uhaw
Sa rurok ng ulayaw.

Photo credits:

https://m.facebook.com/cornycopiabyiris/

Advertisements

kung paanong ‘di magtagpo

Nariyan ka.
Narito ako.
Sa bihirang pagbulong,
Ang ating mga salita’y
Lumikha ng mga hiblang
Humabi ng lambat ng pangungulila,
Kung saan tayo kusang nagpabitag
Sa pinaghalong ligalig at hibang.

Takip-silim diyan,
Bukang-liwayway rito.
Tayo’y lulan ng mga mundong saliwa ang inog.
Kapag natapos na ang pagbuhos ng buhangin,
Ang orasan ay muling babaligtarin.
Pagkabiting singnipis ng sinulid
Na siyang nagdurugtong sa atin
Ay pinagbuhol-buhol ng pananabik.

Heto ka.
Hayun ako.
Mga paglingong salisi ang indayog,
Pagsalubong sa alon kung kailan pakabig.
Saka-sakaling minsan ay magtugma,
Asam na pagniig masusulit nang tiyak.
Pagkat kung paanong ‘di tayo magtagpo
Ay gayong sa atin ay nagbubuklod.


nang masalubong kita sa perya

perya

Tanaw ko agad.

Ilaw na asul at pula
Kumurap sa magkabila.
Habang papalapit,
Aninag na itim ang damit.

Dito pa.
Ngayon pa.
Bakit pa?
Kung kailan
Ayaw ko na,
Biglang narito ka
Ulit.

Ramdam ko agad.

Halong kilig at kaba,
Dibdib ko’y nabalisa.
Nang magkasalubong
Humulagpos ang nakakulong.

Dito nga.
Ngayon nga.
Bakit ba?
Kung kailan
Narito ka,
Biglang gusto kita
Ulit.


pagtatagpo

kay lamig na hangin

bumubulong sa akin,

ang inaabangang tuwa

ito na ang simula.

pagtagpo ma’y di madalas,

pagtatapat ng landas

ipinagpapasalamat.

dampi ng hangin sa pisngi

sa labi ko’y nagpapangiti.

hangin nagpapaigting

sa sabik na siya’y makapiling.