Tag Archives: pagtuturo

kay ilap ng punla

Aanhin mo ba ang buto
na sintigas ng bato?
Sa lupang malalim
Nahihirati sa dilim.

Manhid ang balat sa tubig,
‘Di tumatanggap ng dilig.
Kaya’t hindi umuusbong,
Mga ugat niya’ y paurong.

Huwag magsawang maghintay.
Sa paunti-unting tagumpay,
Tiyak siya’y makaaaninag
Tutunguhin yaring liwanag.

Huwag magsawang magdilig.
Paglao’y mauuhaw sa tubig,
Kapag natikman niya tamis
Mula sa bunga ng kanyang pawis.


puwang VII

‘di ba’t inutil ang paglilok

sa kahoy na may bukbok?

sayang ang panahong tutok

kung kalooban ay bulok.

 

kuminis mang bahagya

nang mapudpod ang liha,

ang gaspang ng mukha

saludsod ang dala.

 

tapalan man ng masilya,

tinakpang lamat halata.

dahil nga hiya ay wala,

bunyag ang likas na sira.

 

ga’no man katalas ang paet,

inutil nga ang pag-ukit.

itong kahoy na ‘di sulit,

walang taglay na rikit.

 

walang iskultor na mahusay 

sa kahoy na ‘di matibay. 

anumang paghubog sa turo, 

bungong hungkag guguho.