Tag Archives: perya

nang masalubong kita sa perya

perya

Tanaw ko agad.

Ilaw na asul at pula
Kumurap sa magkabila.
Habang papalapit,
Aninag na itim ang damit.

Dito pa.
Ngayon pa.
Bakit pa?
Kung kailan
Ayaw ko na,
Biglang narito ka
Ulit.

Ramdam ko agad.

Halong kilig at kaba,
Dibdib ko’y nabalisa.
Nang magkasalubong
Humulagpos ang nakakulong.

Dito nga.
Ngayon nga.
Bakit ba?
Kung kailan
Narito ka,
Biglang gusto kita
Ulit.

Advertisements

ruweda

ruweda

Nagbayad ako,
Mahal, singkwenta.

Sumakay.

Paatras.
Umusad na hindi nakikita ang patutunguhan.
Bulag na nagpadala sa pananabik
Na maabot ang rurok na inaasam.
Ah, kay saya sa tuktok!
Nakadipa kong inangkin
Ang buong mundo!

Sinakyan ko
Ang bawat lambing mo.
Tinanggap ko
Ang bawat pagsuyo mo.
Ipinagdiwang ko
Ang pag-ibig mo.

Pasubsob.
Dumausdos na pinanonood ang kahuhulugan.
Baliw na nanginig sa takot
Na bumagsak ang kasasadlakan.
Oh, kay hirap sa baba!
Nakasukot kong pinasan
Ang buong mundo!

Sinakyan ko
Ang bawat yamot mo.
Tinanggap ko
Ang bawat maktol mo.
Pinagtiisan ko
Ang pagkabugnot mo.

Pinaikot mo lang ako.

Sumakay.

Mahal, walang kwenta,
Nagbayad ako.


tsubibo

tsubibo

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Mga kabayong tulala,
Inutil ang mga paa.
Sa tulos nakatakda,
Aakyat, bababa.

Ikaw ma’y mauna,
Hahabulin kita.
Pero karakaraka
Ika’y lalampasan na.

Sinusundan mo ako,
Sinusundan din kita.
Hinahabol mo ba ‘ko
O hinahabol kita?

Takbo, takbo pa!
Pero kumapit ka
Pagkat maya-maya
Mahihilo ka na.

Nahuhuli, nauuna,
Paulit-ulit umaasa.
Paikot-ikot na karera,
Salisi ang drama.

Sana naman pagbaba
Ang hilo ay humupa.
Magpang-abot kata,
Landas ay magtugma.


rodilyo

rodilyo

Halika na…
Sa akin ay sumama!
Isantabi ang ‘yong kaba,
Ako ang bahala.

Ikaw ay kumapit
Sa akin nang mahigpit.
Bumaybay sa riles
Habang papabilis.

Basta’t magtiwala,
Lumiko sa kaliwa.
Wag mag-alinlangan,
Pumaling sa kanan.

‘Pag bumagal bahagya,
Sumandal, magpaubaya.
Tayo nga ay paahon
Kaya’t katawan ay iayon.

Habang sa rurok palapit,
Sa sabik alumpihit.
Pangamba ay burahin,
Pananabik ang ipunin.

Hayan na, hayan na!
Pigilin ang hininga.
At sa biglang pagbaba
Damdami’y raragasa.

Sa pagsigaw mo ibuhos
Ang gigil hanggang maubos!
Ang galak ating damhin
Pagkat ang langit ay atin!

Ngunit ulirat ma’y maligaw
‘Wag kang biglang bibitaw.
Upang tunay na masiyahan
Hindi sapat ang minsanan.

Kaya’t halika..
Ating sulitin ang ligaya.
Muli tayong mag-umpisa,
Tara na, sige na… isa pa!


pugita

pugita

Upo ka na,
Tatabi ako!
Sirko!

Angat pataas,
Baba palubog!
Sirko!

Hayun sila,
Heto tayo!
Sirko!

Hilig sa kaliwa,
Kiling sa kanan!
Sirko!

Doon, dito,
Ganoon, ganito!
Sirko!

Tili ng yiiiih!
Hiyaw ng waaah!
Sirko!

Sa kaiikot,
Nalito, nahilo!
Sirko!

Sa pugitang ito
Na galamay ay walo,
Hala, sirko!