Tag Archives: puwang

‘di laan

Nang nilisan, nagkapuwang itong naiwan. Ngunit kakulangan huwag panghinayangan. Ang ayaw manahan, dapat pakawalan. ‘Di dapat ipagpilitan kung ‘di rin lang laan. Kaya’t ang puwang tabunan, tuluyang kalimutan.

Advertisements

puwang VII

‘di ba’t inutil ang paglilok

sa kahoy na may bukbok?

sayang ang panahong tutok

kung kalooban ay bulok.

 

kuminis mang bahagya

nang mapudpod ang liha,

ang gaspang ng mukha

saludsod ang dala.

 

tapalan man ng masilya,

tinakpang lamat halata.

dahil nga hiya ay wala,

bunyag ang likas na sira.

 

ga’no man katalas ang paet,

inutil nga ang pag-ukit.

itong kahoy na ‘di sulit,

walang taglay na rikit.

 

walang iskultor na mahusay 

sa kahoy na ‘di matibay. 

anumang paghubog sa turo, 

bungong hungkag guguho. 


puwang I

mapupunan ba ng pinaghirapan 

ang patlang na pinaglaanan 

ng ngalang hayagang umaangkin sa kanya?

di kailan man… 

pagkat dala ng mga pagkakataong

ang bawat nakikita niya ay nais maialay dito, 

ang pag-asang manumbalik ang ngiti nitong 

nadudulot sa kanyang dibdib 

ng di mapantayang ligaya.