Tag Archives: reseta

swero

May tubong sa ati’y nagdurugtong
Mula nang makilala ko ang ‘yong karayom.
Sa balat ko ay tumagos,
Sa ugat ko ay nanuot,
Sa dugo ay dumaloy.
At ang siyang bumuhay
Sa naghihingalong kaluluwa.
Ang damdaming natigang
Ay nadiligan, nabuhayan.
Tila ‘sang nalimot na hardin
Na pinanumbalikan ng luntian
Sa paunti-unting pag-asa.
Mga talulot muling namukadkad
Sa papatak-patak na galak.
Kaya’t bihira man magtagpo
Dama ko ang lambing mo.
Magkabilang-dulo man tayo
Tila swero ang iyong pagsuyo.
Sa paminsan-minsang pagsinta
Aking mundo iyong pinaliligaya.


lunok

At dito sa aking dila

Pait mo ay nagdagta.

Lalagok upang lunurin,

Saka ng tubig anurin.

Paglunok nga ay ganap.

Pagsuko ay pagtanggap.

Sa’yong bangis aasa

Makamit ang ginhawa.

‘Pag tigas ay nalusaw,

Bisa mo’y makakanaw.

Sa apoy ay lulupig,

Sa sakit magdaraig.

Kapag init humupa,

Sa ginaw napalaya.

Matigmak man ng pawis

Naibsan itong hapis.

Photo credits:

https://m.facebook.com/cornycopiabyiris/


turok

Mga mata’y ipikit.

Abangan ang pagtusok,

Wag magitla’t kumibot,

Payagan ngang pumasok.

Tanggapin ang pagbaon

Nang sa laman manuot.

Sa marahang pagtulak

Dadaloy sa ugat.

Guguhit, gagapang,

Talab ay kakalat.

Paghugot ng karayom

Sakit ay maglalaho.

Pagdaka sa pagmulat,

Huwag nang magtaka

Kung sakaling bumagal

Pagkurap ng mata,

Diwa’y biglang tulala,

At manhid ang pandama.

Ang laman ng hiringgilya

Ay ang pagsuyo niya.

Bagamat ito’y bihira,

Munting kirot mabisa.

Hilahil napapawi

Kahit pa man sandali.

Photo credits:

https://m.facebook.com/cornycopiabyiris/