Tag Archives: ride

rodilyo

rodilyo

Halika na…
Sa akin ay sumama!
Isantabi ang ‘yong kaba,
Ako ang bahala.

Ikaw ay kumapit
Sa akin nang mahigpit.
Bumaybay sa riles
Habang papabilis.

Basta’t magtiwala,
Lumiko sa kaliwa.
Wag mag-alinlangan,
Pumaling sa kanan.

‘Pag bumagal bahagya,
Sumandal, magpaubaya.
Tayo nga ay paahon
Kaya’t katawan ay iayon.

Habang sa rurok palapit,
Sa sabik alumpihit.
Pangamba ay burahin,
Pananabik ang ipunin.

Hayan na, hayan na!
Pigilin ang hininga.
At sa biglang pagbaba
Damdami’y raragasa.

Sa pagsigaw mo ibuhos
Ang gigil hanggang maubos!
Ang galak ating damhin
Pagkat ang langit ay atin!

Ngunit ulirat ma’y maligaw
‘Wag kang biglang bibitaw.
Upang tunay na masiyahan
Hindi sapat ang minsanan.

Kaya’t halika..
Ating sulitin ang ligaya.
Muli tayong mag-umpisa,
Tara na, sige na… isa pa!

Advertisements

pugita

pugita

Upo ka na,
Tatabi ako!
Sirko!

Angat pataas,
Baba palubog!
Sirko!

Hayun sila,
Heto tayo!
Sirko!

Hilig sa kaliwa,
Kiling sa kanan!
Sirko!

Doon, dito,
Ganoon, ganito!
Sirko!

Tili ng yiiiih!
Hiyaw ng waaah!
Sirko!

Sa kaiikot,
Nalito, nahilo!
Sirko!

Sa pugitang ito
Na galamay ay walo,
Hala, sirko!