Tag Archives: sakit

‘di laan

Nang nilisan, nagkapuwang itong naiwan. Ngunit kakulangan huwag panghinayangan. Ang ayaw manahan, dapat pakawalan. ‘Di dapat ipagpilitan kung ‘di rin lang laan. Kaya’t ang puwang tabunan, tuluyang kalimutan.

Advertisements

Kung paanong humagupit ang kirot

Ang hapis ay manlalatigo

paris ng matalas na kidlat

na gugulpi sa inaakala mong taglay pang tapang,

pagdaka ika’y sasakalin

nang masaid ang iyong lakas

upang dugo ang mapiga

sa iyong pagluha.

#kirotsapagkaabo

Photo:https://m.facebook.com/cornycopiabyiris/


Kung paanong manlihis ang kirot

Ang pagkatuliro ay hahampas

na sintindi ng marahas na alon,

pupunitin ang iyong ulirat

at aanurin ang mga pilas papalayo

hanggang sa ikalunod mo

ang pagkukumahog na mahagilap

ang mga retaso ng iyong diwang gula-gulanit.

#kirotsapagkaabo

Photo: https://m.facebook.com/cornycopiabyiris/


Kung paanong sumambulat ang kirot

Ang pagdurusa ay gumigiba na parang masong wawasak sa nalalabi mong marupok na pananalig

upang pasabugin ang iyong pagkatao bilang bubog,

at ang iyong kaluluwa ngayo’y mistulang masangsang na ginutay na laman.

#kirotsapagkaabo

Photo:https://m.facebook.com/cornycopiabyiris/


Kung paanong maminsala ang kirot

Ang kabiguan ay raragasang

gaya ng pagguho ng lupa

na tatabon sa iyong nalalabing pananampalataya,

at babalutin ng karimlan

ang pinanghahawakan mong pag-asa

upang itulak ito sa walang-hangganang pagdausdos.

#kirotsapagkaabo

Photo: https://m.facebook.com/cornycopiabyiris/


tagpi III

pagod ka ba sa kakayuko?

ngawit na ang likod mo.

hirap ng iyong kalooban

sa iyong balikat nakadagan.

ang tagping may gamot

siyang inaasahang sagot.

ipantapal sa kirot

dahil pagsuyo’y ipinagdamot.

at pag sa iyo dumikit,

damhin nga ang init.

agad niyang hihigupin

ang lamig ng pagkabitin.

ramdam ang ginhawa

sa higpit ng kapit niya.

malugod kang aalagaan

kahit pa panandalian.

at sakaling bumalik

hanap na haplos at halik,

sa kilig mapapangiti

at tatanggalin ang tagpi.

siya muna ay isasantabi

mas gusto mo ang pisil ng daliri.

pag sa hilot naman nito nabitin,

saka tagpi muling tatawagin.

ang tagpi napagod, nangawit,

sumuko. di na kayang dumikit.

tanong mo’y anong nangyari…

ang sabi… paalam, ito na ang huli.


tagpi

sa sugat na kay hapdi,

di mapipigil ang hikbi.

punit pilit isulsi

saka tabunan ng tagpi.

ngunit di masasabi

kung magtatagal ang tahi.

pag nalaman ang silbi

di ito mananatili.

maglalaho ang ngiti,

di na makikitang muli.

lalala nga ang gisi…

walang hanggang pagsisisi.

natastas na ang tagpi,

ayaw nang maging bahagi

nitong pusong napunit

mahalin ma’y di sulit.