Tag Archives: salisi

kung paanong ‘di magtagpo

Nariyan ka.
Narito ako.
Sa bihirang pagbulong,
Ang ating mga salita’y
Lumikha ng mga hiblang
Humabi ng lambat ng pangungulila,
Kung saan tayo kusang nagpabitag
Sa pinaghalong ligalig at hibang.

Takip-silim diyan,
Bukang-liwayway rito.
Tayo’y lulan ng mga mundong saliwa ang inog.
Kapag natapos na ang pagbuhos ng buhangin,
Ang orasan ay muling babaligtarin.
Pagkabiting singnipis ng sinulid
Na siyang nagdurugtong sa atin
Ay pinagbuhol-buhol ng pananabik.

Heto ka.
Hayun ako.
Mga paglingong salisi ang indayog,
Pagsalubong sa alon kung kailan pakabig.
Saka-sakaling minsan ay magtugma,
Asam na pagniig masusulit nang tiyak.
Pagkat kung paanong ‘di tayo magtagpo
Ay gayong sa atin ay nagbubuklod.

Advertisements

tsubibo

tsubibo

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Mga kabayong tulala,
Inutil ang mga paa.
Sa tulos nakatakda,
Aakyat, bababa.

Ikaw ma’y mauna,
Hahabulin kita.
Pero karakaraka
Ika’y lalampasan na.

Sinusundan mo ako,
Sinusundan din kita.
Hinahabol mo ba ‘ko
O hinahabol kita?

Takbo, takbo pa!
Pero kumapit ka
Pagkat maya-maya
Mahihilo ka na.

Nahuhuli, nauuna,
Paulit-ulit umaasa.
Paikot-ikot na karera,
Salisi ang drama.

Sana naman pagbaba
Ang hilo ay humupa.
Magpang-abot kata,
Landas ay magtugma.